Archive for April, 2007

Kamusta Na Kaya Sila?

Wednesday, April 4th, 2007

“di man matagal ang pakikipagsama sa mga nakasalamuha, ala-ala nila’y mananatiling buhay sa isipan”

(March 27, 2007)

At minsan pang dumampi

Sa nanahimik na damdamin

Nagdaramihang mukha’t tinig

Kay dami nang nagdaan

Panahon, oras at taon

Pagkakataon at sitwasyon

Kaluwagan ang nararamdaman

Tuwing kalabit ng ala-ala nadaratnan

Kamusta na kaya sila?

Dumadampi kaya sa kanilang isipan

Ala-ala ng aking katauhan

Hindi na din mabilang

Ang mga paghamong dumating

Sumubok sa pagkatao at samahan

Itong buhay na parang blankong papel

Mga suliranin ang nagbigay kulay

Ang mga kaaya-ayang pangyayari

Sya namang nagbigay kahulagan

Kapatirang ginto kung itimbang

Kamusta na kaya sila?

Matimbang pa kaya sa kanila

Ang pangalan kong tangan

Iba-ibang landas na tinahak

Mga aninong naglaho sa dilim

Sumabay sa agos ng dagat

Tinangay ng hanging amihan

Mga paang sa ibayo pa lumakbay

Kapalarang dapat maisakatuparan

Sadyang malungkot isipin

Subalit ito ang nararapat sundin

Kamusta na kaya sila?

Itong kapalarang nais maisakatuparan

Sana’y taglay na nila ang tagumpay